Saturday, December 19, 2009

Isang Araw sa Buhay ng Isang Baklang Pa-Girl-Girl sa Bituka ng London










photo by
anne shane baluca


Kumikita ka nga ng pounds pero gumagastos ka rin ng pounds. Lalake lang ata ang libre dito. Paminsan-minsan may mga cute. Natatawa na lang ako. Sa loob-loob ko, hah, hindi lang nila alam.


Jeanne Claudine Lardizabal


Autumn na naman sa London. Nalalagas na ang mga dahon at nagkukulay pula dilaw at orange na naman ang paligid. Pero malimit malamig, maulan, at makulimlim ang panahon. Sa wakas ay nakakita rin ako ng trabaho bilang isang waitress sa isang five-star hotel sa may Marble Arch. Kaya alas-siyete palang ng umaga eh rumarampa na ako sa kalye papuntang tube station. Para akong lumpiang balot na balot mula ulo hanggang paa dahil hindi ko pa rin makasanayan ang ginaw dito. Yung hangin para akong sinasampal.

Sasakay muna ako ng regular train sa West Ealing station tapos magko-connect sa Ealing Broadway tube station papuntang Marble Arch. Marami nang tao sa train ng ganung oras. Siksikan na rin kaya pumwepwesto ako malapit sa pintuan para madaling makalabas.

Umagang-umaga eh nakasimangot na ang mga commuters. Bored na bored ang mga expression nila sa mukha. Kanya-kanyang eksena rin sa loob ng train. May nag-aalmusal, may nagkakape, may nag-a-apply ng makeup, may naglalampungan sa tabe, may nakikipagchismisan sa cell phone, may nagko-crossword, sudoku o nagbabasa ng libreng diyaryo. Kung gabi meron pang mga lasenggong nagtatagay. Kulang na lang dun na rin sila maligo at magsepilyo, no, kung pupwede nga lang. Nakakatuwa silang panoorin habang pasikot-sikot ang train sa loob ng madilim at mahabang bituka ng London

Walang pakialaman ang drama dito. Walang tititgan. Walang ngitian. Walang pansinan. Walang bigayan ng daan. Walang chikahan. Lahat ng tao nagmamadali patungo sa kanilang pupuntahan.

Pagdating sa Marble Arch, lalakarin ko na lang papuntang hotel. Minsan namimiss ko rin ang mga jeepney sa 'ten kasi ititigil ka nila sa gusto mong babaan. Pagpasok sa hotel, magbibihis agad ng uniform sa locker at magsisimula na ang isang mahaba at nakakapagod na araw. Minsan aabutin ako ng dose oras para matapos ko lang ang trabaho. Dahil napakamahal ng labor dito eh sinusulit talaga nila ang bayad sa yo. Kahit masakit na ang likod ko eh iniisip ko na lang na hindi ko naman kikitain ang ganitong pera sa Pinas.

Iba’t ibang nationals ang mga nagtratrabaho sa hotel. May mga Brazilian, Portuguese, Spanish, Colombian, Chinese, Mongolian, Italian, Russian, African at siyempre mga Pinoy. Kanya-kanyang drama at malulungkot na kwento sa buhay. Walang British na nagtratrabaho sa low-ranking jobs. Puro supervisory lang sila. Lahat kaming rank-and-file nagrereklamo sa bigat ng trabaho pero nagtitiis na lang kasi kailangan. Mahirap palang kumita ng pounds. Pawis, sakit ng katawan, at sama ng loob ang kapalit ni Queen Elizabeth sa bulsa mo. Lagi kong naaalala yung kantang "Kayod Kabayo, Kayod Barya". Mas swerte pa rin kami ritong kumakayod kabayo dahil kayod pounds naman. Hindi yata mga OFW ang mga bagong bayani kundi ang mga kababayan nating nabubuhay pa rin sa kakaunting kitang barya araw-araw.

Nagsimula akong mag-yosi ulit dahil sa stress sa trabaho. Pero pakonti-konti lang dahil isang kaha ng Marlboro lights dito eh limang daang piso na sa 'ten. Ayan naman din ang kapalit ng malaking sweldo – malaking gastos. Dito sa London, lahat ng bagay mahal. Walang mura. Kumikita ka nga ng pounds pero gumagastos ka rin ng pounds. Syempre po. Lalake lang ata ang libre dito. Paminsan-minsan may mga cute na lalaki sa tube na nakikipagtitigan sa akin . Natatawa na lang ako. Sa loob-loob ko, hah, hindi nila alam halimaw pala ang ina-awrahan nila.

Pagkatapos ng shift, sasakay na ulit ng train pauwi sa flat. Ayos lang kahit pagod at medyo mainit ang ulo. Manonood na naman kasi ako ng libreng sine. Ang sari-saring mga eksena ng mga Londoners na nagsisiksikan patungo sa kanilang mga pupuntahan.

2 comments:

  1. u know what i recall with this piece? sylvia plath's By going far i make houses dwindle...My look's leash dangles the puppet-people... And a bit of sleepy eye something? yung chekov's story about this overworked housemaid who choked the baby to death? all that stuff that had been incubating there in your heart. also that story by a british author about this bright young man in the depression years who endd up selling gloor wax and floor mop and he tells his cousin in a letter, i tell myself that hah, my body is there, but my mind is not anymore. thank you, claudia!

    ReplyDelete
  2. and of course i like your banishment of men here. in the bat of an eye. haha, are we getting good!

    ReplyDelete