Sunday, December 13, 2009

Poetry by Daniel Ong












Himutok ng Isang Nanakawan
(Para kay Teng)


Kung nanakawan ka’t nagising
Na wala na ang iyong pitaka, relos o singsing
o dili kaya’y ang nakasabit na pantalong mamahalin,
Saan ibubunton ang hinaing?
Sa aso bang di man lang tumahol at nanggising,
sa bombilya bang antukin
o sa bakod na kay daling lundagin?
Sino ang sisisihin?
Ay! Sana’y di na ako nagising
at ngayo’y parang torong sumisingasing
Ay! Ayaw ko nang muli pang malasing!


2 BUKIDNON

Wala na ang dating lamig.
Naglaho na ang gubat.
Subalit may naiwan pa ring halina
at kulay ang kalikasan:
Sinusuyod ng makapal na hamog ang hita’t dibdib ng kabundukan
Habang banayad na naglalakbay ang puti-abuhing ulap
sa ibabaw ng amoy-pinipig na palayan.
Sa pagitan ng maalikabok at pakiwalkiwal na daan
Nagpapaligsahan sa pag-aagaw ng pansin
ang mga ligaw na sanplawer
sa malawak na plantasyon ng tubo, saging at pinya
At sa makikisig na kabayong sa kaburula’y
Waring mga tanod ng Bathala sa lupa.


3 MADALING ARAW KUNG DUMALAW ANG KALUNGKUTAN


Madaling araw kung dumalaw ang kalungkutan
Sumasabay siya sa marahas na haplit ng hangin
at ragasa ng ulan
Katabi mo siya sa iyong paggising.

Muli,
Hahagilapin ang mga lumang larawan,
Bubuksan ang baul at babasahin muli
ang mga lumang liham,
Dadampian ng malamyos na halik
ang mga alaalang naiwan.

Madaling araw kung dumalaw ang kalungkutan
Mapipilitan kang magtimpla ng kape’t
Almusalin ang agam-agam.

No comments:

Post a Comment