Tuesday, May 4, 2010
Pagmumunimuni ng Isang Kabebe
Diyata’y schizophrenic rin ang kilusan. Split. May dalawang mukha. Magkabilaan. May kaliwa at kanan. Leftism at rightism. May panglabas. May pang-loob. May bukas. May sarado. May kasinungalingang mga patotoo. May dalawang lengguwahe, dalawang boses, dalawang tono ng salita na ginagamit. Ang isa’y pangsentro, at ang isa’y panglabas sa sentro. O labag sa sentro. Itong pangsentro, eto iyong di tumatawa, at di nagmumura. Eto ang ginagamit na lengguwahe tuwing nagmimiting naglalagom tumatalakay ng mga usapin, nagreresolba ng mga suliranin. Eto iyong boses ng Diyos, naghuhusga: Tamang linya, lihis sa linya. Ang kabila nito’y yaong madalas ginagamit sa breyktaym pagkatapos ng mahahaba at masinsinang usapan. Eto iyong mga salitang hitik sa lecheng yawa at mga putangina: mayaman sa mura. Mga salitang parang pag-uutot at pagkakantot na hindi kailangang giyahan gabayan upuan na parang kursong rebolusyunaryo. Eto rin iyong boses na laging nagbibiro, nanunudyo, tumatawa. Boses at salitain na sumasalungat, dumidekonstrak, at rumirebisa sa kani-kanina lang ay napagkaisahang pagtibayin at tupdin. Kung susuriin iisa lang ang tinutukoy dinadala na usapin ng dalawang ito. Sa magkasalungat lang na panig ng iisang dibdib nanggagaling. Habambuhay silang maggigirian, magtutuligsaan, isnaypan, trayduran. “Isentro iyan.” At dadalhin sa gitna ang salaring salita para doon itabi. Upisyal na hihilumin at patatahimikin. Ngunit hindi ito mahihilom, hindi tatahimik: parang sugat sa isip na kikislot-kislot, kikibot-kibot. Lulusot nang lulusot. Gagapangin ang mga namamahinga nang mga usapin. Kamuka’t-mukat ay may mauuga, at magtataka ang mga guwardiya ng gitna, dahil may humihila mula sa ibaba, dinidesentro, nilalabas, dinadagit pabalik sa kadawagan ang paulit-ulit nang ihinimlay at ikinahon. Ganun di natatapos ang dayalektiko ng pagtatalo.
Sayang for me I'm not good in Tagalog ....
ReplyDelete