Wednesday, August 17, 2011

payback time















Paminsan-minsan dami kong whatifs-whatifs, pero hinahalinhinan ko lagi ng hah, what if not, what if i didn't! Matagal ko na kasing tinalaga sa sarili ko na hindi pagpapakabuting babae at pagpapakabuting ina ang pakay ko sa mundo, kaya ayaw kong maguilty.



Ang explanation ni Indah, kaya raw walang tumulong ipamudmod ang kanyang mga tula, tungkol sa rape, sa mga abuso, mga pangungurakot ng mga upisyal ng gobyerno ng Sulu, at mga pagbubulag-bulagan na mga ustadjes at mga henyo sa NGO, dahil wala namang kita sa pagmumudmod ng poesia. Aminin na natin ba na wala nang ibang values ang mga tao ngayon liban sa gadji. Walang suweldo walang gagalaw na buto.

Fund-driven. Dati kakatakot na salita iyong fund-driven. Ngayon, iyon na ang order of the day. Sabi nga ni Tess, admin ng isang establisado na sanang research institution sa Mindanao, kaya ngayon, ang tindi ng tagisan ng talino, pagandahan sa konsepto, nakawan ng ideya. Ang me sabi sa kanya nun, ang dating boss niya na nasa funding agency na ngayon nagtatrabaho, na sigurado ako, kalahati ng merits kung kaya nakarating siya sa posisyon na iyon, dahil sa pagkadalubsaha sa pagnanakaw ng konsepto at mga hirap ng iba: mga sekretarya niya, admin assistants, researchers at mga writers niya.

Iniisip ko ito habang nagkakalkal ng ulo, kaiisip saan kaya ako magnakaw ng pang-absuwelto sa mga paniningil ng mga gelpren ko sa Jolo. Kasi nagkamali ako ng hakbang, nag-step yes step yes step no I love you, kaya heto, medyo sumasakit ang ulo pa’no takbuhan kapag hindi nabalikan ang mga naumpisahan.

Hindi na raw talaga nagwu-work ang charms ko, matagal na, sabi ni Miss Indah, at lalong hindi magwu-work sa no money-no honey policy ngayon ng mga tao. Aminado naman po si ako. Matagal na. Kung minsan lang nagmamatugas in u. Kaya nga yung huling lipad ko sa Jolo, sabi ko, last na ito, ayaw ko nang bumalik rito, kapag may mga gagawin pa ipapasa ko na lang sa mga old hands dito, at least kung uusad o sasalampak kaya, dih ko dusa. Hindi ko kasalanan.

Ganun kasamang intension, kaya siguro pinaparangalan.

Nasa bunkhouse ako, isang sakay mula sa pantalan, nakaupo sa Army cot at nagpapapak ng kuko, salamat sa isang daang pisong halaga ng isang gabing pagpapahinga at buong araw na pagkatutunganga. Goodbye Jolo, ayaw ko na, ayaw ko na talaga sa iyo. Nang magring ang aking mumurahing telepono. Si El at si Coms, naghahanap, nangungumusta. Kah Shei, huwag kang magpapalit ng numero ha?

Nakapromise tuloy ako.

Mga batang kalsada. Nangungutong lang ba, namemera ng totoong mamera. Pangload, pangtext, pangtugis ng barya-baryang ligaya. Payback time, Rayang, sabi ni Indah.

Feeling superior kasi ako sa kanya sa aking choices sa buhay. Hindi nag-asawa, at ngayo’y nagpakalesbiana. Sinasabi niya at ng mga kaibigan ko noon sa Abused Children network na siguro, kung nag-asawa ako, street children ngayon lahat ng mga anak ko. Lahat ng mga anak ko? Andami naman yata nun? Abortion rights advocate kaya ako, kahit pa ba matay ko mang isipin, pano kaya naging rights yung abortion, eh kahirap nun. Pero ang true, I did have mother rights and served time in the scullery, and please, when I was a mother, Mother of the Year awardee kaya ako. Peks man, sa kapanahunan ko. Until nagdisayd na in case of contradiction, one really had to go. So Go si motherhood.

Huling update, si Mikhael hanggang second high lang ang inabot ng talino at buto, si Maika outstanding sa Maryknoll High. Paminsan-minsan dami kong whatifs-whatifs, pero hinahalinhinan ko lagi ng hah, what if not, what if i didn't! Matagal ko na kasing tinalaga sa sarili ko na hindi pagpapakabuting babae at pagpapakabuting ina ang pakay ko sa mundo, kaya ayaw kong maguilty. Tapos, noong minsan, sa bunkhouse, nakarumeyt ko si Judith. Na dating taga-TFD. Nagdisayd daw siya na magpahinga, kaya nag-lawyer. Ngayon, you could say she has everything na, at least in the way of comfort, pero gusto niya sa PAO pa rin magtrabaho, hindi sa corporate law. You have to pay back to life somehow, sabi niya.

Kung minsan, kinikilabutan ako. Iniisip ko, for all that life has given me, and now that I have nothing and everything before me, ito na ba ang payback time ko?

Monday, August 15, 2011

Pa'no nga uli maging lesbiana?







Ang hirap kaya. Sabi ni Kah Dar, sabay ismid at sulyap sa akin, piyasaran na ba. Will do. Nagi-gerlan siya sa akin. Sa kabataan niya raw kasi, sigang-siga siya, gelpren niya ang pinakamaganda at pinakaseksi sa eskuwela na anak ng Assemblyman. Sibu ra daw in lesbian sex, masarap rin daw , at iyong pagpapaligaya na kaya ng lalaki, kaya rin nating gawin, pero mula ulo hanggang bewang sadja. Sa baba noon, di na natin kaya, way kita sinapang.

Wala raw tayong sandata.

Pero sa kulumpon ng mahigit dalawangpung lesbiana na nakikinig sa kanya, si Berkis lang yata ang tumawa. May pagkasinauna kasi mag-isip ni Berkis. Kasalanan raw kay Allah ang maging bantut o lesbiana, pero di bale na daw, kung saan ba ako maligaya.

Araw-araw nawawalan ako ng pag-asa, nadidismaya. Hindi raw dapat ibroadcast ang tungkol sa gang rape sa Jolo at lalo lang nahahati at nasisiraan ang lipi. Inuulit-ulit niya kapag ko siya kinukulit na mag-aral, mag-imbestiga, sumasakit daw ang ulo niya kapag nag-iisip siya, buti pa raw noong panahon ng kanyang lola, noong walang pumupunta sa eskuwela at walang nagbabasa, wala rin daw nagnanakaw, walang gahaman sa pera. Kelan kaya iyon, noong panahong ang halaga ng isang salup ng bigas ay beinte-singko sentimos pa? Naabutan ko pa yata yun. Seis anyos ako at akay-akay ng aking lola. Ang ulam ng kapitbahay ulam mo rin. Wala ngang perang pag-aawayan ang mga tao noon.

Walang pagpapatayan.

Hindi iyan makakapasok ng area, pagbabawal ng isa.

Aykaw magtumbuy-tumbuy dih, ayna, patayun kaw ha dan! babala naman ng isa pa.

Ang totoo, hindi ako naniniwala sa kamatayan. O naniniwala, pero hindi iyon ang kinatatakutan ko. Bakit? Chaos is a friend of mine, Violence a goodly neighbor, Death an Acquaintance. Close to 50 at bihis-Bajau? Kahit Abu Sayaf di ako seseryosohin. Pero kahit pa seryosohin ako, ang mas worry ko pa ay, siyempre, baka mag-insist si Berkis na embalsamahin ako sa Zambo at i-ship sa Davao ang body ko, mabubuking ng friends ko na wala akong burial plan, ni walang SSS o Philhealth plan. Nakakahiya yun, di ba. Ewan ko. Pakialam ko. Petiburgis yun. Buhusan na lang ng gas, silaban, kesa embalsamahin, economical na, mas sanitary pa. Pero hindi ko na worry yun, by that time baka busy na ako kala-lobby kay San Pedro na paakyatin ako. Kahit hanggang porch lang.

Kanina

At kanina, may natanggap akong sulat, isang maliit na mensahe. Doon pa mandin isiniksik sa chatbox ng blog ko, kahalo ng mga basurang mensahe ng mga taong puro galit at suklam lang ang kayang isukli sa lahat ng paghihirap mo. Tatlong salita, sa ingles pa mandin. Parang double code sa akin iyon, iyong paraan ng pagpapadala ng mensahe at ang pagi-ingles. Pahiwatig-kasama, gusto kong isipin, kahit pa man wala na siya ngayon, o wala na ako ngayon. Dahil noon, lahat ng mensahe, sa maraming kamay dumaraan, sa upisyal na daluyan, ikanga, at kahit minsan noon, ang nagpadala noon, hindi talaga nagi-ingles sa akin. Wala naman talaga siyang sinabi. Kaya siguro mahalaga sa akin. Walang sinabi dahil walang masabi, walang magawa, kung kaya walang gagawin. Ibang pangako iyon, di ba. Ibang talinghaga, ibang paniniwala.