Monday, April 12, 2010

Isang Araw sa Katanghalian












Pinagbabaliktad ko ang mga bato, pinagtutuwad ang mga flower pots, subalit di ko makita ang susi sa pintuan. Siguro nakalimutan ni Jano. Puwede ba iyon? Saan naman kaya si Sarah at ba’t sarado ang mga bintana sa itaas. Di kaya’t nasa loob siya? Nakatulog sa sobrang pagod? Iyong tingala ko at akmang sisipol, bigla may narinig na anasan sa itaas. Boses ni Jano at Sarah. Nagsiseks sila?

Naupo ako sa malaking bato katabi ng saradong pintuan, nagpasyang maghintay. Sa biyak-biyak na sahig na semento sa aking paanan ay nagpuprosesyon ang mga langgam. Nagbabatian, naghahalikan. Niyakap ko ang bakbak na puno ng mga papel at labahan. Sa kabilang apartment kumakanta’t nagigitara ang binatilyong madalas kong nakakasalubong at nakakangitian sa daan. Bye, bye Miss American Pie… Bakit kaya bumalik si Jano. Di ba’t sabi niya’y me importanteng lakad sila ni Omeng ngayong linggo? Umungot ang pintuan sa silid-tulugan. Napaigtad ako. Tapos na sila? Tumayo ako. Aktong kakatok, nang bigla’y pumalandit sa hangin ang maigting na boses ni Sarah, sinundan ng pabulong na sagot ni Jano.

“Ginawa mo na iyan nun! Gagawin mo na naman uli ngayon?”

“Lakasan mo pa!”

Nag-aaway sila?

“Tatakbo ka na naman? Diyan! Diyan kayo mahusay!”

“Marinig ka ng kapitbahay!”

May mga paang nagtatakbo pababa ng hagdan. Kumatok ako. Dire-diretso ang labas ng pintuan ni Jano. Madilim ang mukha nito. Ni hindi ako tinanguan. Pumasok ako, alumpihit ang hakbang, ipinatong ang bakpak sa upuan at dahan-dahang umakyat ng hagdan. Bukas na ang kanina’y nakasarang mga bintana. Nakatanaw sa labas si Sarah, nagyoyosi.

“Bakit iyon?”

Tiim ang bagang niya. Ni hindi ako nilingon. “Dumating ka na pala.”

“Ba’t andito si Jano? Nagpaalam siya bago ako umalis, ilang araw raw siyang mawawala. Me lalakarin sila ni Omeng.”

Nanginginig ang mga daliring me hawak na sigarilyo. Naglalarong parang ulap ang usok sa kanyang mukha.

“Buntis si Emma. Iyon ang lakad nila.”

Girlfriend ni Omeng si Emma. Walang nakaiskedyul na kasalan, pagkakaalam ko. At tensiyonado lagi si Emma sa mga araw na ito. Pero lahat naman kami tensyonado lagi. Sunod-sunod na reyd at hulihan, pagbobomba sa kanayunan.

“Anong pasiya ninyo?”

“Ayaw nilang ipaalam.”

Nila.

“Gusto ipaabort.” Mapait ang ngiti at nanglilimahid sa luha ang mukha na lumingon sa akin.

Saglit akong nagulat. Umiiyak siya? Si Sarah umiiyak?

“Wala bang magagawa ang mga medik sa mga ganitong bagay?”

May punyal na kumislap sa kanyang mga mata. Pagkuway parang pagod na ibinaling muli ang tingin sa bintana. Humugot ng hininga bago nagsalita uli.

“Pinaakyu na nga pero ayaw matanggal ang bata.” Kampante at praktikal uli ang tono ng kanyang salita.

“Buti ipinaalam nila sa iyo?”

“E, hindi nga nila alam pa’no mangtanggal na bata, e.”

Napakunot-noo ako. Dinudurog niya sa pasilyo ng bintana ang hawak na sigarilyo.

“Nagkonsulta sa akin, kung pa’no ko pinatanggal iyong beybi namin, nung iwanan niya ako sa QC, nang tumalilis siya papunta rito sa Mindanao.”

Natulos ako sa aking kinatatayuan.

“Ngayon niya lang binanggit sa akin iyon, alam mo ba? At ngayon niya lang tinawag na beybi namin iyon.”

Nakangiti siyang humarap sa akin, basa ang mukha. “Pagkatapos ng limang taon.”

Patda akong nanatiling nakatitig sa kanya. Sa hataw ng araw na tumatama sa kanyang pisngi, parang maliliit na sapa ang kanyang mga luha.

No comments:

Post a Comment