Monday, April 12, 2010
Shit and Double Shit
May mga araw na para akong ligaw na talangkang walang batong mapagtaguan. Walang makakausap na di ka bubugahan.
Si Jim ay nakahilata sa ratang upuan. Nananakit ang likod ko at kailangan ko ng mahigaan. Ang init sa itaas at mukhang lalong mainit ang ulo ni Sarah. Kahapon pa kami di kinikibo. Pababain ko kaya para mananghalian.
Iyong akmang katok ko sa nakatiwangwang na pintuan, inabutan ko siyang nagmomonologo, na lalong nilakasan pagkapansing nakatayo ako sa kanyang likuran. Ang kailangan raw sa Mindanaw na mga kadre, iyong matatatag. Gusto kong mag-about face. Inspirational talk ang kailangan ko, hindi ED, puwede ba. San na kaya napunta iyong kinakanta niya nung mga nakaraang linggo, tungkol sa husay ng mga taga-Mindanaw. Taga-Mindanaw raw ang nakaisip nung Welgang Bayan, pati na ng Lakbayan. Ngayo’y parang ilang araw na siyang puro puna, puro reklamo. Nagpapagpag siya ng mga alikabok na naipon sa mga tokador at aparador, alauna na, hindi pa siya kumakain. Kagabi’y inumaga siya kangangatngat ng dulo ng kanyang lapis. “Para kang rebolusyunaryong daga diyan, matulog ka na” ani Jim. Bahagya lang siya umangat ng mukha, parang galit pa at binati.
Nadadaganan na raw siya ng karami-raming trabaho. Pa’no raw, iyong mga kadreng maasahan sana ay di nakatiis, nagsialisan. Si Lukas raw na masinop kung magtrabaho ay umuwi na lang, masama pa ang loob. –Ano pa ba ang gusto nila? Sila na nga ang tinutulungan.—Ang tinutukoy ni Lukas, ang mga kasamang Moro. Bumalik na lang daw si Lukas sa Kordi, ni hindi pinruseso ang paglipat, pati trabaho niya sa NSC, iniwanan. Ibaloy naman daw siya talaga, palagay niya raw mas tanggap siya sa kakordilyerahan at mas kailangan, bakit ba niya ipagpupumilit ang sarili niya rito sa Kamorohan.
Napapalakas ang kanyang paghampas ng feather duster, at parang ulap na nagliparan ang alikabok.
“Bibigyan ka naman ng mga kasama ang hirap namang turuan, sa halip na tulungan ka, papasanin mo pa—”
Nahahatsing na tumalilis ako pababa ng hagdan. Nakahilata pa rin si Jim sa ratan na upuan. May nagbukas ng tarangkahan at pabagsak na sinarhan. Bumungad sa pintuan ang nangangasim na mukha ni Beng, at umungot, bumagsak uli ang screen door. Napabalikwas si Jim, inilapag ang pahayagang binabasa.
“Shit that Lito! Shit and double shit!”
“Bakit?”
“Mag-aakyu, hindi man lang magsasara ng pinto?”
Dinatnan niya raw itong ginagalugad ang kanyang hita, nasa gitna ng dalawang tuhod ang ulo, hinahanap ng hawak na karayom ang kanyang acupuncture point sa pagitan ng puwet at titi.
Napahagalpak ng tawa si Jim. “E, hindi naman siguro sinasadya iyon, Beng!”
“Anong hindi sinasadya? Sinabi ko na sa kanya na darating ako Miyerkules! Miyerkules ng tanghali! Oh shit! Shit and double shit!”
Bumukas uli ang pintuan at pumasok na parang naglalakad sa pinagtamnan ng mina si Reni. Nagkatinginan sila ni Beng.
“Ah… ano’ng ginawa mo kay Lito?”
Nasa hagdan si Sarah, yakap-yakap sa braso ang tambak ng mga papel na may balak yatang sunugin. Interesado ang mukha nito.
Sabay na nagturuan sina Reni at Beng.
“Ba’t may bukol iyon si Lito?”
Namewang si Beng. Biglang taas ng dalawang kamay si Reni.
“Teka! Ang akin lang naman, pumili ka man lang sana ng pampukol mo sa noo ni Lito. Plato ko pa, e, ceramic iyon!”
“Ah… tinamaan ba?” At bumunghalit ng tawa si Beng.
Pati si Sarah na napako sa pagkakatayo sa hagdan ay di napigilang makitawa.
No comments:
Post a Comment