About this site

Tumbang Preso (meaning, knock down the jail) is a game of arrests and escapes where each player's life
chances depends on the toppling of a tin can watched by a tag who plays guard.

Friday, December 11, 2009

POETRY FROM MAGUINDANAO
















TIYAKAP-KALILINTAD
Daniel Ong



Nagkalat,
maayos na pagkakalat,
ang naglaglagang mga dahon ng talisay
sa bakuran nina Ustadz Utto
at Kumander Noran.

Kayumangi, pula, dilaw, rosas –
mga kulay na nagpapaalala sa akin
ng napipintong taglamig
at taglagas.

Subalit dito’y kasukdulan pa ng tag-init
at di lamang dahon
kundi buhay ang
napapatid
at nalalagas –
buhay ng ina, wata, ama, kaka;
buhay ng apo, bapa, babu;
buhay ng ng kalaba’t kaibigan:
buhay ng rebelde’t sundalo;
buhay ng balo at CAFGU;
buhay ng manok, kambing, kalabaw, aso.

Di namimili ng oras at lugar ang kamatayan;
Dumarating na lamang itong kusa,
di tulad ng bagyong mayroon pang babala;
di rin ito namimili ng biktima.

Kadalasan, nakasuot-patig ang biktima’t salarin.

Tiningala ko ang mga punongkahoy
at nakita ko ang mga munting bahay-ibon
na nagpugad sa malabay nilang mga sanga --
nandoon ang mga kalapati, para bang nakikinig
at matamang nakamasid
sa ating pag-uusap at mga kilos,
habang ang iila’y naglalambingan
o buong gilas na ipinapagaspas
sa ating pandilig ang kanilang mga pakpak:
mistulang mga palakpak sa pagitan ng mga halakhak.

May balahibong nalagas.
Sinundan ito ng aking paningin.
Subalit sa biglang hihip ng hangin
at natabunan ito ng mga dahon.

Di kalayuan sa ilog,
nakangiting pinagmamasdan ni Ustadz Utto
ang apo niyang nasa duyan
habang idinuduyan ng alon
ang bangka nating naghihintay sa pampang.

Bakat, Datu Saudi Ampatuan
Setyembre 11, 2006

Ang tiyakap ay salitang Maguindanao na ang ibig sabihin ay pangangalaga o pag-aruga samantalang ang kalilintad naman ay kapayapaan. Sa lalawigan ng Maguindanao, ang Tiyakap Kalilintad ay isang organisasyon ng ommunity peace volunteers na tumutulong sa pagsubaybay sa mga paglabag sa karapatang pantao, sa tigil-putukan, at sa pagpapalaganap ng mapayapang pagsasaayos ng mga gusot at hidwaan sa pamayanan.

No comments:

Post a Comment