About this site

Tumbang Preso (meaning, knock down the jail) is a game of arrests and escapes where each player's life
chances depends on the toppling of a tin can watched by a tag who plays guard.

Friday, June 10, 2011

Noon, ngayon










"Inside the Party, everything. Outside the Party, nothing."



Parang balita sa kung saang baryo nanggaling. Ang broadcaster na medyo bobo at walang opinyon pa mandin ang nag-anunsyo. Ang pagkasabi pa, hiling ng Partido Komunista Pilipinas na pakawalan siya at ang kasama niyang hinuli, dahil pag hindi, hindi sila makikipag-peace talks sa gobyerno. Saglit akong napa-current events mode, pag-aakalang preskong-presko pa ang balita. Iyon pala noong Pebrero katorse pa nangyari. Heto ako hindi alam. Hunyo a-otso, at hindi ko pa alam. Naka-off mode lagi ang tenga sa kawalang-pakialam sa nangyayari sa santinakpan.

Jailed suspects. Ni hindi sinabi o hindi ko nahuli kung saan sila jailed, malamang sa Bicutan uli. Arrested on charges of rebellion and multiple murder. Parang bigla gumewang pakaliwa ang isip ko sa pag-ulit ng pangalan niya. Siya iyon, a. Kilala ko iyon, a. Siguro huli kong balita tungkol sa kanya o nanggaling sa kanya mga beinte-singko anyos na ang nakaraan. Nene pa ako noon. Sipunin, uhugin. Ngayon walang ni isa sa mga nakasama ko noon ang makakaalala na fren ko iyon noon. Ako lang. Tawag niya sa akin noon, Magai. Hiram na pangalan. At Diosme, siya lang ang tumatawag sa akin sa ganoong pangalan, nom de guerre mode! Sinerseryoso ako kahit noon, kung paanong sineseryoso niya lahat ng para sa rebolusyon.

Pero siguro nga, kahit siya man ay hindi na rin ako maalala ngayon.

Sabi ni Carlo, Ha? Partido ng Bayan? Parang muntik nang makalimutan na me ganoong partido nga pala noon. Oo nga, di ba bosing iyon? Taga-Politburo iyon a. Mga kahanay noon wala na, di ba?

Oo nga. Ano na kaya ang hitsura niya ngayong nandito pa siya samantalang ang mga kasama niya ay wala na. Wala na. Na ang ibig sabihin ay, namatay na, pumanaw na, nabaril ng kaaway o kaya ng kasama. Wala na. Kumbaga extinct na? O kung buhay pa nagtatago na lang, kipkip ng pamilya o ng ano pa mang sanay nakakamatay-hiya na anyo ng kaburgisan ngayon.

Sabi ni Jules, bakit ka anti-Party? Sinabi niya iyon pagkatapos niya akong paratangan na gusto ko lang yata mag-abroad, kunyari lang mag-deliver ng paper on feminism, iyon pala maghahanap lang ng Puti na mapapangasawa. Gago siya. Lesbiana na ako noon at di alam na sa lintek na mga mayayamang bansang maaapakan ay legal ang gay marriage e ano saken. Kung hindi ako naniniwala sa kasal at pag-aasawa sa loob ng kilusang mapagpalaya e di lalo na sa labas.

Ano nga bang anti-party activities ang nagawa ko at inakusahan ako ni Jules na anti-Party? Ang mamasyal sa abroad at mag-CP bashing? Siyempre liberalismo iyon. Bourgeois liberalism. Ang mga matitibay na dating miyembro ng Politburo na nage-engage sa ganoong aktibidad tinutugis, ina-assassinate. Buti na lang maliit na langaw lang ako, di kilala, di pinapaniwalaan. Di rin agad masino o matamaan. Buti na lang mas kilala akong sira-ulo, mas mapapatawad nila iyon, marami sa hanay nila ang ganoon. Mas hindi nila ako mapapatawad pag sikat akong kongresista-feminista na hindi nagpapabola sa kanila. Pero kasalanan pa rin iyon, ang mag-engage sa kritisismo sa harap ng mga feminista radikal na dati nang walang tiwala sa kanila. Kasi nga, Inside the Party everything, Outside the Party nothing. Ang magsulat ng sanaysay na nagsasabing dapat pursigihin at ipaglaban ng kababaihan ang kanilang agenda at huwag iasa sa male leadership ng Partido dahil hangga’t ang Gabriela ay male-led at male-guided, walang seryosong pag-aaral at pagsasabuhay ng equality of the sexes na mangyayari sa kilusan, natdem org first of all ang Gabriela at pangalawa lang ito feminist org. Kelan ko ba sinabi iyon, noong panahon yata na hindi pa masamang-masama ang tingin ng mga taga-Partido sa feminismo. Bago sumikat si Lady Gaga, gagang iyon pahamak. Noong wala pang maraming uri-uri at klase-klase ng feminismo sa Manila Zoo. Noong wala pang Sarah Raymundo na nagkakalat ng balita na ang feminismo ay bastardang anak ng putang post-modernismo dahil nga hindi pa siya ipinanganak noong ang mga feminista sa kilusan ay nasa prente ng tunggaliang uri. Ano nga ba iyong paratang ni Sarah Raymundo sa kababaihan? Sabi niya, ang mga feminist raw, nagsasabi, Ay, hindi ako kasali diyan, hindi naman ako manggagawa e, sa women naman ako. Anak ng palakang buntis. Pinasan ng kababaihan ang lahat ng digma ng kalalakihan na parang kanila rin, kahit hindi sila nakikita, hindi nasisikatan ng araw, tapos ganun lang ang sasabihin ng most trusted women cadres bilang pasasalamat sa lahat ng hirap nila? Murder. Murder iyon. Femicide. Pa'no mga taga-Isis lang yata ang kinikilalang feminista e mga fashion models iyon. Si Aida Santos hindi feminista sa kanila siguro dahil matanda kaysa kay Kongresista at di hamak na mas matalino kaysa kay Senadora-Sana. At least si Wilhelmina tinantanan na nila, di na masiyadong tinatawag na big-mouthed feminist. Siguro dahil hindi na siya middle-class after na tinakwil at dinisown ng mother-in-law niya. Saan na kaya iyon? Huling balita namumudmod ng flyers tungkol sa pagbagsak ng Twin Towers. Mamamatay yatang pamphleteer iyon, hindi paparangalan ng Gabriela iyon. Radfem, their all-purpose flour na pangtabon sa ayaw nilang angkinin at kilalaning mga babae. Tsupi. Lalo na't ikaw ay naging lesbiana. Naku, double jeopardy nga naman kapag ang pinakamahuhusay sa hanay ay hindi na nila puwedeng asawahin at anakan.

Wala kang magawa. E sa ganun na. Ganun na ka anti-feminist ang mga taong Partido ngayon. Isisisi sa mga tumiwalag na mga babae ang kakulangang pag-aari at kagagawan nila. Hay, si Kongresista. Susugurin ang Tambara office para magmura at bakit na-publish ang kawalang basis raw na mga paratang. Sino ba ang lecheng iyan, wala naman iyang karanasan sa women organising, walang exposure sa masa. Kaya di ko raw gagap ang kalagayan ng kababaihan. Punyetang feminismo iyan kung ang tingin nila sa masa ang bobobo para magagap ang usaping di-pagkakapantay-pantay ng kasarian. Tagos hanggang siglo beinte-uno ang galit niya. Nanalo na lang uli ng upuan sa Kongreso nagmumura pa rin. “Ano? Mago-organisa siya ng mga lesbiana sa Dabaw??? Hah. Kakain siya ng bato!” Buti na lang nakilala ko na si Rimbaud bago ako napagsabihan noon, alam ko na na nakakain nga ang bato, good for the bones, parang calcium. Ano nga uli ang sinabi ni Rimbaud tungkol sa dietang bato? Baklang iyon. I only find within my bones a taste for eating earth and stones. Vongga! Vongga si kapatid!

Wala. Wala kang maasahan sa mga naiwan. Mga kadre ng rebolusyon dekada sisenta, karamihan ay nangibang-layon na. Nangibang-laya. Si Gene, halimbawa. Malas lang niya, nag-asawa uli, pesante na mercantile petiburgis pa mandin na hindi nagbabasa, wala, hindi niya mabasbasan ng PSR ni Joma kahit kelan, siya pa ang inorganisa at iminulat sa katotohanan ng di-mabuwag na pyudalismo na kung saan siya ang atubiling amo. Pa’no mo mumulatin iyong taliwas sa ipinapangaral mo ang karanasan, iginawa pa niya ng palasyo, engot siya. Material conditions dictate!

Pero paano ba ang makulong sa pangatlong pagkakataon, at sa edad na sitenta sa panahon ng pagkagapi ng pandaigdigang kilusang rebolusyunaryo. O hindi siguro pagkagapi. Pagkabundol-bundol lang. Recession ngayon, salamat sa march forward ng capital with capital C. Dispersal pa ng mga puwersa, kaya siguro nasa hanay ako ng mga feminista radikal natapon, at hindi sa mga babae nila. Mga babae nila. Mga propesyunal na galing burgis na eskuwela at mas burgis na pamilya at pag-aasawa, anak ng tokwa, mas working class pa ako sa mga iyon, hindi mabubuhay ng walang katulong at labandera ang mga iyon a. Pero siya, saan siya? Bosing, sabi ni Carlo. Nasurvive niya ang purge pero wala siyang nagawa nang mangyari iyon. Na ibig sabihin ay marami siyang hindi nasalba, hindi natulungan, kung kaya nga kung buhay pa ako ngayon, hindi ko iyon utang sa kanya. Buhay pa ang marami sa amin ngayon with or without his Partido and despite his Partido. Sabi ni Raffy, hindi siya makakilos, nag-iisa siya e. Kasi tahimik. Wala siyang magawa noong pinagpapaslang ang da bes by da worst in us. Kasi nga tahimik. Ganun naman lagi. Nilulunod ng mga maiingay ang tahimik. Pinapatahimik at pinapatay lalo. Pero iyong buhay pa rin siya at nandito pa rin, napakamahalagang datos iyon. Iyon halimbawa mga kadreng Moro na kaibigan niya, nangibang-linya na lahat. Maktol to death sa kilusan. Parang ako. Pero bigla, sa pagkahuli niya, parang pause ako. Rewind to dekada otsenta. At bigla ay parang napakaliit ng naging mundo ko. Pati gutom at mga katraydoran ng mga sanay kasama sa pakikibaka parang bigla nakalimutan ko. Pati pagkalesbiana ko bigla hindi ganoon kamahalaga. Mahihiya akong aminin sa kanya na ang mahal ko ngayon ay isang tagos-hanggang-buto na burgis na mercantile petty capitalism pa yata ang pinanggalingan at mahal ko lang dahil mas pinapalaya ako kaysa sa minamahal.

At ang mga mamamatay ko kahapon ay kaibigan kasama ko uli ngayon? Punyetang rebolusyon. Sabi ni Lualhati, tutal pare-pareho raw kami na hindi na integrated sa Party work pero gusto pa ring makatulong na itulak pa ang Party work kaya we can work together to do something more. At least alam at naiintindihan ng walanghiya na gaano man kaliit ang ginagawa ko, at gaano man ka “anti-Party”, nakakapagsilbi pa rin sa punyetang rebolusyon. Oo nga naman. Ang mga salot ng buhay ko at gagamitin na naman ako, kikiskisin hanggang buto. Naku. Mag-aapoy ako. Sisilab ang disyerto.

Kailangang mabuhay.