About this site

Tumbang Preso (meaning, knock down the jail) is a game of arrests and escapes where each player's life
chances depends on the toppling of a tin can watched by a tag who plays guard.

Thursday, January 21, 2010

Ba't Di Hayaang Maglaro



















photo by Florian Kiopp, courtesy of tdh-phils

Eleanor Trinchera

Maaga pa ang gulo na nila. Naghihiyawan, naghahabulan, nagtatawanan. Sabi ko sa sarili ko, ano ba naman, pinapabayaan lang ng mga magulang!

Hindi puwedeng mag-ingay bago mag-alas siyete! Sabagay mukhang lampas alas siyete na ng umaga. Pero hindi ba nila alam na nakakaistorbo na sa mga tao sa kalapit-building nila?

E, bigla namang akyat sa isip ko ang kanta ng Asin.

Masdan mo ang mga bata, ang buhay ay hawak nila...
Ang sagot raw sa kanila makikita, sila raw ang tunay na pinagpala. Nga ba? At bumalikwas na nga ako.

Sabagay, gising na naman ako, pa'no pa ako maiistorbo, at bakit ko pa iisipin na makakaistorbo sila. Bahala na kung sino yung maistorbo nila, tutal gising na ako. Tumungo na lang ako sa kusina, para makapaghanda ng almusal, saka dumungaw sa bintana. Tanaw na tanaw ko sila: nagtatakbuhan, naghahabulan, punong-puno ng tuwa.

Oo nga naman ano, bakit hindi sila pabayaang maglaro. Bihira na nga akong nakakakita ng mga batang naglalaro nang samasama laluna sa parteng ito ng “suburb” namin. Bihira na nga akong nakakarinig ng mga batang nagtatawanan. Iilan na lamang sa mga kabataan dito and nagkakasama para maglaro. Iilan na lang nga sa kanila ang nagkakakilala kahit na sa isang building pa silang lahat nakatira. Iilan na lang ba sa kanila ang nagkakalakas-loob na makipaglaro sa kapwa bata?

Bihira na rin sa kanila ang naglalaro sa kalye o sa paligid ng mga unit. Madalas, makikita mo sila sa mga local parks o playground sakay ng kani-kanilang mga bisikleta o roller blades, o kaya dala-dala ang kanilang scooter, o bola para magsoccer, magbasketball, magcricket at kung ano-ano pa. Iyong iba pa mga alagang aso ang kasama kaysa sa kapwa bata, o kaya mga ipod nila.

Itong grupong ito, karamihan sa kanila mga lima o anim na taong gulang lamang lang. Mayamaya lang magsilakihan na rin ang mga ito, magbibinatilyo, manliligaw, magkakabisyo, magiging barumbado o kaya baka rin at sana, magiging mabuting tao. Pero ngayon heto pa, nagsisigawan, hagikgikan, taguan, parang talagang sinasamantala ang bawat oras ng pagiging bata.

Iba-ibang kulay pa ang mga ito. Halatang galing sa Tsina ang iba at ang iba naman ay maliwanag na galing pa ng India. Sa parteng ito ng subdibisyon sila lang ang madalas naglalaro, sila lang ang madalas nagsasamasama. Sila-sila rin ang madalas nagbabatian, nagkakakilanlan. At parang wala silang pakialam sa mga palalong mga Australyano at Filipino sa paligid nila basta't sila ay nagkakaintindihan.

Oo nga naman, ano. Bakit nga hindi sila hayaang maglaro at mag-ingay. Sino kasi nagpauso ng bawal maglaro at mag-ingay. Tutal napakatahimik ng lugar na ito. Kung minsan pa sobrang tahimik kung kaya sobrang diyahi tuloy umimik.

Pa'no, madalas pati magkakapitbahay ni hindi na nagbabatian at nagpapansinan.

No comments:

Post a Comment