About this site
Tumbang Preso (meaning, knock down the jail) is a game of arrests and escapes where each player's life
chances depends on the toppling of a tin can watched by a tag who plays guard.
chances depends on the toppling of a tin can watched by a tag who plays guard.
Wednesday, May 26, 2010
Naniniwala Ka Ba sa Rehab?
Lualhati Abreu
"Ang mga petsay, iimbestigahan na naman ang mga molave," ang madalas sambitin ng mga batang detenido pag ang mga me edad nang kadre-detenido ay sinusundo para imbestigahan.
TATLO, apat na araw nang madilim ang paligid. Hindi lang dahil ang nakayungyong sa amin ay nagtataasang puno't kawayan sa masukal na bahaging yon ng kabundukan ng Mauban, Quezon, sa ST. Madilim din pati ang langit. Hindi sumisilay ang araw kahit sandali man lang. Taghabagat noon. Ang hanging habagat ay me dalang ulan at madalas humihigop ng bagyo. Tuloy-tuloy ang pag-ulan – lalakas, hihina, panaka-naka'y titigil, pero sumandali lang.
Magnonobyembre na, abuhing Nobyembre, ika nga. Hindi ko mapiho kung a-29 o a-30 ng Oktubre. Ang tantya ko, mas o menos, dalawang linggo na akong nakadetine sa kampong bimbinan para sa mga hinusgahang government deep penetration agents o DPA, mas kilala sa tawag na Deps ng mga rebolusyonaryo. Tanda ko, 14 ng Oktubre nang dakpin at dalhin ako, gapos ang mga kamay, sa kampong bimbinang yon.
Wala ako maski anuman para markahan ang paglipas ng oras at araw. Sinamsam ang aming mga personal na gamit, relo't alahas, notbuk at bolpen. Ang itinira lang sa bawat detenido ay dalawang palitan ng damit – tisert, pantalon o shorts, panloob at malong sa merong malong. Pati mga sapatos at pak ay pinagkukuha. Tangi atang ang magandang mestisahing si Renee, isang kadreng panrehiyon mula sa Bikol at kumikilos sa South Quezon, ang pinayagang mag-ingat ng de-salaming powder compact na upod na ang pulbos.
Dalawa o tatlong oras na ata ang lumipas nang lumipat si Romy sa kabilang hall sa bandang kanan, nakaharap sa kwadranggel na pinaliligiran ng apat na hall ng mga tarima ng mga detenido. Pumayag sina Boots na siya'y makipag-usap ke Allan makapananghali.
Si Allan ang matalik na kaibigan, barkada't kasabaying aktibista ni Romy sa UST. Sabay rin silang umakyat sa kabundukan ng Laguna-Quezon para lumahok sa armadong pakikibaka. Hindi ko pa nakikilala si Allan. Hindi ko matandaan kung nagkita na kami. Lagi siyang ikinukwento sa akin ni Romy.
Boots ang tawag ng mga detenido sa mga myembro ng Task Force OPML o Oplan Missing Link, ang kampanya para lipulin ang diumano'y mga Deps sa loob ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Southern Tagalog. Minsan, tinatawag din silang Petsay dahil sa kanilang pagiging bata o pagkauhugin sa rebolusyon. Marami kina Boots ay nagsimula bilang estudyanteng aktibista sa isang kilalang unibersidad sa ST.
"Ang mga petsay, iimbestigahan na naman ang mga molave," ang madalas sambitin ng mga batang detenido pag ang mga me edad nang kadre-detenido ay sinusundo para imbestigahan. Ang tud tud tud ng kanilang boots sa lupang pinagputik ng tuloy-tuloy na ulan ang badya ng kanilang pagdating.
Tigil ang usapang maaaring makairita kina Boots. Tigil ang impit na tawanan ng mga detenido na maipapakahulugang pang-iinis kina Boots. Bakit nga ba naman sila'y nakakahanap pa rin ng pagtatawanan sa kabila ng buhay-at-kamatayan nilang kalagayan? Laging me nakaambang karit na tangan ng aninong nakatalukbong ng kapang itim. Ang mga detenidong takot na mapag-initan, talukbong ng malong para magtulug-tulugan.
Sina Boots ay babae at lalaki. Iba-iba ang kanilang anyo. Me matangkad, me pandak. Me maputi, me kayumanggi. Me me katabaan, me me kapayatan. Me parang maton ang mukha at katawan. Me maamong tulad ng isang butihing madre. Me pasinghal kung magsalita, walang iniwan sa isang maton. Me malumanay din, marahil, dahil dati ngang madre. Pero iisa ang kanilang galit at pagkamuhi sa mga detenidong sa tingin nila'y mga halimaw, at pinaniniwalaan nilang sasakmal sa mga tagumpay ng rebolusyon.
Katabi ko, sa kanang gilid, si Romy. Pareho kaming nasa itaas na deck ng mga tarima. Nasa pangalawa siya mula sa pinakahuling tarima. Pangatlo ako. Bawat hall na me double deck na mga tarima ay apat-na-posteng istrukturang kahoy o kawayan na binububungan ng binanat na rain curtain. Pinakamaliit ang aming hall na nasa bandang silangan, at pinakahuli raw na itinayo. Mahigit lang ata sa 20 ang mga detenido sa hall na yon. Hamak na mas marami ang nasa tatlong hall na me mahigit sa 50 detenido sa bawat isa.
Isa si Romy sa dalawang dinatnan ko na paulit-ulit na bumubulong sa akin mula't mula pagdating ko. Maghabi lang daw ako ng kwento sa pagiging DPA. "Makisakay ka lang sa imbestigasyon ng Task Force," giit niya.
Matangkad si Romy, kayumanggi ang malinis na balat. Makinis ang mukhang maamo, walang prominenteng kurbada sa pisngi. Matangos ang ilong niyang ilong ng isang mestisong artistahin sa pelikula. Malumanay siyang magsalita, puno ng katiyakan sa kanyang mga sinasabi't inihahanay nang mabuti sa kausap. Payat siya, na mas pinapayat pa ng matagal-tagal na ring pagkakabimbin. Kitang-kita ito sa pagtatali niya ng baging sa bewang ng pantalong kupasing itim na gabardin, kundi'y malalaglag ang pantalon. Bata pa siya, wala pang 30 anyos sa tantya ko, nang una kong makita sa bimbinang yon.
"Hindi mo makakayanan ang tortyur," dugtong pa niya. "Tutal naman, mahahabol natin ang husga sa atin sa panahon ng rehabilitasyon."
Sa lahat ng mga kasama ko sa binbinang na yon, siya lang ang walang pag-aalinlangan sa pagsasabing "sama-sama uli tayo sa pagkilos pagkatapos nito." Isa ito sa mga punto ng aming pagkakaisa, isa sa dalawang pangako namin sa sarili.
Hindi ko man lang naringgan ng anumang reklamo si Romy. Tinatawanan lang niya ang baging na ginawang sinturon. Kinuha nina Boots ang sinturong katad na bigay ng isang nakababatang kapatid nang nagdaang Pasko. Pasalamat pa nga siya't ibinalik sa kanya ang nilalastikuhang salamin sa mata.
"Kung hindi nila ito ibinalik, parang bulag ako."
Pero minsan, minsan lang, naringgan ko siya ng pag-aalinlangan sa pinaniniwalaan ng halos lahat na mga detenido at bukodtanging kinukuyapitan ng kanilang pag-asa – ang rehabilitasyon.
"Totoo kaya ang rehabilitasyon?" usal niya sa akin.
Paano ko yon sasagutin? Rehabilitasyon lang, sa abot ng isip at karanasan, ang pinaniniwalaan ng mga detenido na makapagpapalaya sa kanila sa sitwasyong kinalalagyan. Mahirap tumakas, tulad ng tinangka raw ng isang detenido. Bugbog-sarado siya, bali-bali ang tadyang, at kinalbo pa nang muling madakip.
Nagdadalawang-isip din ako sa nasisilip kong pag-asa na mahabol ng Komiteng Tagapagpaganap-Komite Sentral ang sitwasyon. Paano kung huli na ang lahat para sa amin bago sila makaaksyon?
"Para namang tinanong mo kung me langit ba talaga," ang sagot ko ke Romy, sabay taklob ng malong.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment